|
Huwag maniwala sa mga sabi-sabi......MAGTANONG SA DUKTOR!
Nang kayo ay sinumpong at matapos ay nabanggit ng inyong duktor na kayo ay may epilepsy
,ano ang inyong naramdaman? Marahil lubhang pagkabagabag, takot, o kalituhan?
"Ano ba itong sakit na epilepsy?"
"Saan ko ito nakuha?"
"Anong ibig sabihin nito-mababago ba ang buhay ko dahil dito?"
"Hindi ba sakit lang ito ng mga retarted at bata?"
"May gamot ba dito?"
Ito ang mga karaniwang naiisip ng mga pasyente nang una silang nasabihan na sila ay may epilepsy.
Ngunit huwag kang mabahala, halos lahat ng pasyente ay ganito ang nagiging reaksyon. Hindi mo naman sila masisisi
dahil marami tayong naririnig na mga sabi-sabi tungkol sa sakit na ito. May nagsasabi na ito raw ay sakit lang ng bata at may nagsasabing ito daw
ay nangyayari kapag may lagnat lamang. Higit pa rito, mayroon din nagsasabing ito raw ay gawa ng kulam, o pagsapi ng masamang espiritu. Ito
rin daw ay humahantong sa pagkaloko, pagka-inutil o sintu-sinto. Ano ba itong sakit na ito? Totoo ba ang naririnig natin?
Ano ang epilepsy?
Ang epilepsy ay isa sa pinakapangkaraniwang kalagayan ng utak na nakikita sa mundo.
Higit sa limampung milyon tao sa mundo ay may kalagayang ito. Sa Pilipinas, humigit kumulang sa pitung daan limampung libo na Pilipino ang may epilepsy.
Nakikita ito sa babae, lalake, edukado, propesyonal man o hindi.
Ang sumpong ng epilepsy o seizures ay nangyayari dahil sa isang kalagayang pangkatawan na kung saan
nagkakaroon ng biglaan at panandaliang pagbabago sa utak. Napatunayan ng mga siyentipiko na nagkakaroon ng pagbabago sa "cells" sa utak
na para bang ang mga ito ay biglang na "ground" o nakuryente. At dahil sa pangyayaring ito, nagkakaroon ng panandaliang pagbabago sa galaw, pakiramdam, pag-iisip,
o ugali ng tao dahil sa ang mga ito ay kontrolado ng ating utak. Matapos ang ilang segundo o minuto, kapag tapos na ang kuryente o "ground", bumabalik na sa dati
ang takbo ng utak, at ang dating galw at ugali ng tao, na parang walang nangyari. Ang salitang "epilepsy" ay ginagamit kung ang mga sumpong na ito o "seizures" ay nangyayari ng paulit-ulit.
Ano ang sanhi ng epilepsy?
Saan nanggagaling ang epilepsy?
Ang biglaang "short-circuit" o "ground" na nangyayari sa utak ay posibleng mangyari sa sinuman, kahit sa mga normal sa bata o matanda.
Ngunit higit na malaki ang posibilidad na mangyayari ito sa mga taong datihan nang may pilat sa utak. Ang mga pilat na ito ay maaaring galing sa mga sakit tulad ng stroke, untog sa ulo, meningitis, operasyon sa ulo o tumor.
Ngunit sa limampung porsiyento ng mga pasyente ay walang malinaw makitang sanhi ng epilepsy.
Mga Uri ng Sumpong
Maraming uri ng sumpong. Sa pangkaraniwan nating kaalaman, ang epilepsy ay kombulsyon lamang na kung saan nawawalan ng malay ang pasyente at nakikitang tumitirik ang mata,
naninigas at nangangatal ang katawan, tumitigas ang bibig, nakakagat ang dila, tumitigil ang paghinga at minsan nangingitim ang paligid ng bibig. Ito ay humihinto matapos ng ilang minuto at nagbabalik ang dating pag-iisip ng tao.
Ito ang tinatawag na generalized seizure o grand mal seizure.
Ngunit may iba pang klase ng epilepsy. Kung ang sentro ng paggalaw ng paa sa utak ang naistorbo, maaaring magkaroon ng pangangatal ng paa. Kung ang sentro ng pakiramdam sa utak ang nagambala, maaring magkaroon ng panandaliang
pamamanhid. Kung ang bahagi ng pag-isip ng tinamaan, mapapansin na ang pasyente ay parang nawawala sa sarili o natutulala o natitigilan.
May mga epilepsy na kalahati lang ng katawan ang nangangatal. Mayroon namang iba na ang buong katawan at malay ang na-aapektuhan. MAy bigla na lang na nabubuwal, may natitigilan sandali at nakatitig lang.
Kung tutuusin, napakaraming maaaring maging larawan ng epilepsy batay na rin sa bahagi ng utak na naapektuhan.
Ano ang dapat gawin kung may mga sintomas na katulad nito?
Nagagamot pa ba ito?
Malaki ang posibilidad na magagamot ang iyong epilepsy. Mga walumpo hanggang walumpo't limang porsiyento (80-85%) ng mga pasyenteng may epilepsy ay gumagaling sa palagian na pag-inom ng gamot.
Dahil sa iba-iba ang uri ng epilepsy, iba-iba rin ang gamot s bawat isa. Kinakalangan suriin ka ng iyong family doctor, o ng duktor ng bata o pediatrician, o sa isang dalubhasa sa utak o neurologist upang
masuri kung ano ang nararapat na gamot sa uri ng epilepsy mo.
Karaniwan, isang uring gamot lang ang kinakailangan upang mahinto ang seizure o sumpong.
Ang mga pasyenteng may epilepsy na tila hindi gumagaling sa pangkaraniwang gamot ay dapat sumangguni sa malalaking hospital na may mga Epilepsy Clinics o may mga dalubhasa sa utak o epilepsy. Maaring gumamit ang duktor
ng kumbinasyon ng ilang gamot upang maiwasan ang mga sumpong. Ang pagpasya kung anong gamot ang gagamitin sa isang pasyente ay batay sa uri ng seizure o sumpong, sa mga side-effect na gustong iwasan, at sa presyo ng gamot.
Para sa mga di pangkaraniwang pasyente na hindi makuhang mapigil ng gamot ang mga atake matapos ang palagian at masigasig na pagpapatingin sa duktor, maaaring pag-isipan ang mga karagdagang lunas tulad ng:
Ketogenic diet. Ang diyetang ito ay mayaman sa mantika at taba, at mababa sa starch o carbohydrates. Napag-alaman sa mga pagsasaliksik na ang diyetang ito ay nagdudulot ng kondisyon sa katawan na tinatawag na ketosis.
Ang mga pagkain sa diyetang ito ay sinasamahan ng mantikelya, keso, mantika at krema. Madalas ginagamit ito sa mga bata na hindi mapigil ang epilepsy ng kumbinasyon ng gamot. Kailangan magpatingin muna sa inyong duktor kung ibig ninyong subukan ang diyetang ito. Karaniwang ituturo sa hospital dietician na siyang nagrereseta ng tamang timpla at takal ng pagkaing
ibibigay sa pasyente.
Epileptic surgery. Ang pamaraan na ito ay isinasagawa sa mga pasyente na hindi mapigil ang sumpong ng kombinasyon ng tatlong gamot o higit pa. Lahat ng gamot ay dapat naibigay na sa pinakamataas na dosis.
Vagal nerve stimulation. Ang pamamaraan na ito ay ginagamit sa mga pasyente na hindi na kayang mapigil ang mga sumpong sa kombinasyon ng tatlong gamot o higit pa at hindi kaya ng kalusugan ng pasyente ang epilepsy surgery.
Ano ba ang mga side effects ng gamot?
Ang mga pinaka-pangkaraniwang gamot na ginagamit sa Pilipinas na para sa epilepsy ay ang mga sumusunod:
Phenytoin (Dilantin), Carbamazepine (Tegretol), Phenobarbital, Valproic Acid (Epival at Depakene) at Clonazepam (Rivotril).
Marami na ring mga bagong labas na mabibisang gamot tulad ng mga sumusunod:
Oxcarbamazepine (Tripleptal), Gabapentin (Neurontin), Lamotrigine (Lamictal) at Topiramate (Topamax).
Ang mga gamot na ito ay may kanyakanyang gamit at katuwang na mgaside-effects.
Pangalan ng Gamot |
Side Effects |
Phenobarbital |
Antok, malikot, mabagal na pag-iisip, panghihina |
Carbamazepine |
Hilo, antok, panghihina, duling, sakit ng ulo, sikmura |
Valproiv Acid |
Walang ganang kumain, nasusuka, impatso, panginginig |
Clonazepam |
Antok, panghihina, pagbabago ng ugali, nauutal, duling |
Oxcarbazepine |
Sakit ng ulo, hilo, antok, nasusuka |
Gabapentin |
Antok, pagod, hilo, panghihina, duling |
Lamotrigine |
Pantal |
Topiramate |
Antok, hilo, hirap sa pag-iisip, manhid, nerbiyos |
Kung gagamitin ang gamot ayon sa tamang timpla o dosis, at kung may sapat na pagbabantay
ng duktor, ang mga side-effects na ito ay mababawasan o maisasaayos.
Hanggang kailan iinom ng gamot?
Maraming pasyente ang regular na pinapaiinom ng gamot sa loob ng dalawa hanggang limang taon.
kung walang sumpong sa loob ng panahong ito, maaring magpasiya ang doctor na bawasan unti-unti ang pag-inom ng gamot
hanggang sa ito ay mahinto, batay sa sanhi ng epilepsy at sa kalagayan ng katawan.
Anong laboratory tests ang kailangang gawin?
Ang pinakamatibay na katibayang klinikal na kinakailangan para sabihing ang isang tao ay may epilepsy
ay hindi batay sa mga loboratory tests kung hindi sa pagsusuri ng duktor sa mga simtomas at mga pangyayaring naganap habang
sinusumpong ang pasyente. Makakatulong sa duktor kung may isang saksi o taong makapag-salaysay ng mga detalye ng sumpong.
EEG.
Sa mga laboratory tests, ang pinakamadalas na hinihingi ng duktor ay ang electro- encephalogram o ang EEG
Sa pagsasagawa ng EEG, idinidikit sa anit ng pasyente ang mga kable galing sa isang aparato.
Hindi ito masakit o nakakasugat. Pandikit lamang ang ginagamit para hindi matanggal kaagad ang kable. Iginuguhit ng aparato ang mga brain waves sa papel,
tulad din ng sistema ng EKG sa puso kung saan iginuguhit naman ang takbo ng puso sa isang papel.
CT Scan o MRI
Batay sa uri ng epilepsy, maaaring humihingi rin ang inyong duktor ng blood tests. CT Scan o MRI.
Ang CT Scan at MRI ay paraan ng paglalarawan ng utak sa isang plaka, tulad ng X-ray. Ipinahihiga ang pasyente sa isang malaking aparatong
bakal na kung saan ay may gumagalaw na kamera na nakakabit sa computer. Ang computer ang siyang gumagawa ng larawan ng utak. Makatutulong ang mga pagsusuring ito, ngunit
hindi rito nakikita ang epilepsy kung hindi ang mga posibleng sanhi o pilat sa utak na pinagmulan ng epilepsy.
Anong pag-iingat ang dapat gawin ng isang pasyenteng may epilepsy?
Siguraduhing umiinom kayo ng gamot araw-araw sa tamang oras.
Kumain ng masustansyang pagkain at tiyaking kumakain parati sa tamang oras. Iwasang malipasan ng gutom. Ang pagbaba ng asukal sa dugo kapag ikaw ay gutom ay maaaring
makapagsumpong sa iyo. Walang pagkaing ipinagbabawal sa mga pasyenteng may epilepsy .
Tiyaking makakatulog kayo ng sapat. Masama sa isang taong may epilepsy na mapuyat dahil ang kakulangan sa tulog ay nakakapagsimula ng sumpong.
Bawasan ang pag-inom ng alak. Ito ay maaaring makapagsimula ng sumpong. Ito rin ay maaring kumontra sa ibang mga gamot pang-epilepsy.
Iwasan ang sobrang pagod o pagkabahala.
Iwasan ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Maaring makapagsimula ito ng sumpong o kumontra sa gamot pang-epilepsy.
Ang mga gawaing ipinahihintulot sa mga pasyenteng may epilepsy ay batay sa dalas ng sumpong, at sa uri ng sumpong.
Malimit ang mga pasyenteng nagkakaroon ng pagkawala ng malay ang siyang pansamantalang pinagbabawalan sa maraming bagay. Ngunit kapag napigil na ang mga sumpong ng ilang buwan, maaari ng magpatuloy ang
mga pasyente sa kanilang pangkaraniwang gawain, maging sa pag-aaral o trabaho.
May mga gawaing makapagdudulot ng panganib ay maaring ipagbawal sa pasyente. Halimbawa, ang isang tsuper ng bus na nagkakaroon ng madalas na pagkawalan ng malay o paninigas ng katawan
habang nagmamaneho; ang isang PLDT line man na umakyat ng poste, ang isang empleyado sa pabrika na humahawak ng matalim na cutter o baril. Madalas, kailangan isangguni sa espesyalista ang katanungan tungkol sa
mga bagay na ito. Ang sagot sa ganitong mga gawain ay hindi iisa. Bawat isang kaso ay pinag-uukulan ng malalim na pagpapasya.
Tandaan Natin:
Karamihan ng mga pasyente ay maaring mamuhay ng maayos: maaring mag-aral,magtrabaho,sumali sa karamihan ng palakasan, makihalubilo sa mga kaibigan at magkaroon ng pamilya
katulad ng karamihan.
Kaya lang, hindi ito nangyayari dahil kadalasan ang epilepsy ay nagdudulot ng takot at hiya. Hindi nila pinapaalam ang kanilang kalagayan sa mga kapitbahay, kaibigan, kamag-aral, kasama sa trabaho, o amo dahil sa takot na mapagtawanan, maapi, o mabatikos. May mga taong may epilepsy, lalo na ang mga kabataan, na unti-unti nagkakaroon ng suliranin sa ugali at damdamin dahil sa kahihiyan, tukso, kantiyaw, pag-iwas ng mga tao sa paaralan at lipunan.
May mga taong may epilepsy na tinatanggihan sa paaralan o trabaho. Karaniwan sila ay labis nakinakanlung ng kanilang pamilya at pinagbabawalang ipagpatuloy ang kanilang mga nais
sa buhay, sa palakasan, at sa libangan kahit na may dunong ang tao. Nagdadalawang isip sila bago pumasok ng paaralan, maghanap ng trabaho, o mag-asawa.
Ito'y nakakalungkot isipin dahil ang mga taong may epilepsy ay maroon ding karapatan sa pantay na pagkakataon na mamuhay nang maayos gaya ng karamihan. Ito'y malaking aksaya sa kakayahang pantao.
|